IBINALITA ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II na ang sinasabing pulis na sangkot sa pagdukot sa isang Koreanong negosyante noong Oktubre 2016 sa Angeles City ay sumuko na sa mga tauhan ng National Bureau of Investigation.
Sinabi ni g. Aguirre na si SPO3 Ricky Sta. isabel ay humiling ng voluntary protective custody mula sa NBI kaninang madaling araw matapos mag-utos si PNP Director General Ronaldo dela Rosa ng malawakang paghahanap sa kanya.
Kabilang ang pulis sa ilang mga pinaghihinalaang sangkot sa pagdukot sa isang Korean national na nakilalang si Jee Ick Joo mula sa kanyang tahanan noong ika-18 ng Oktubre. Tatlo pa lamang sa walong suspect ang nakikilala ng mga pulis na kinabibilangan ng isang tsuper at isang kasabwat.
Ayon sa PNP Anti-Kidnapping Group, kinilala si Sta. Isabel na kasama ng ilang kalalakihang nagtutulak kay Jee sa isang naghihintay na sasakyan. Napatunayan din ng mga imbestigador ng pulisya na na sa pook ng krimen si Sta. Isabel bago naganap, samantalang nagaganap at matapos maganap ang krimen ayon sa mga closed circuit television footages. Nakita rin ang kanyang lagda sa visitor's logbook at sa pahayag ng mga security guard.
Ang kasambahay ng biktima na kinilala sa pangalang Marissa Dawis, na dinukot din subalit pinalaya matapos ang isang araw ang siyang saksi sa krimen. Nag-alok na ang maybahay ni Jee na si Choi Kyung Jin ng P 100,000 sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon sa kanyang mister.