MAGTUTUNGO sa Beijing si Energy Secretary Alfonso G. Cusi sa darating na Sabado, ika-21 ng Enero at magtatagal hanggang sa Miyerkoles, ika-25 ng Enero sa paanyaya ni Chinese Ambassador Zhao Jianhua na napapaloob sa isang liham noong nakalipas na Martes, ikasampung araw ng Enero ng taong ito.
Sa isang pahayag, sinabi ni Secretary Cusi na ang layunin ng paglalakbay ay mapayabong ang pagtutulungan ng dalawang tanggapan sa Tsina at sa Pilipinas.
Idinagdag pa ni Secretary Cusi na layunin din nilang matuto ng magagandang gawain ng Tsina at magkaroon ng investors na maglalagak ng kapital sa Pilipinas.
Dadalaw siya sa Tsina bilang Secretary of Energy. Ang pagdalaw na ito ay pagpapatunay lamang na nagbubunga na ang matagumpay na pagdalaw ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Beijing.
Hinggil sa palalakbay ng Partido Demokratiko ng Pilipinas (PDP) sa Tsina, nagkataon lang nakasabay ng official trip ng Department of Energy. Magkakaroon lamang ng simpleng pagpapalitan ng pananaw sa mga mahahalagang isyu hinggil sa mga Filipino at Tsino, dagdag pa ni Secretary Cusi.