Enero 15, 2017, sa Bern, kabisera ng Switzerland-dumalo si Pangulong Xi Jinping ng Tsina sa maringal na seremonya ng panalubong mula sa Switzerland Federal Council, na pinamumunuan ng kanyang Swiss counterpart na si Doris Leuthard.
Ipinahayag ni Pangulong Xi ang pasasalamat sa mainit na pagtanggap ng pamahalaang Swiso. Nananatili aniya ang pangmatagalang mapagkaibigang pagpapalitan sa pagitan ng mga mamamayang Tsino at Swiso. Naaakit aniya ang mga Tsino sa magandang likas na tanawin ng Switzerland, samantalang ang mga Swiso naman ay naaakit sa makulay na sibilisasyon ng Tsina. Binigyang-diin ng Pangulong Tsino na ang kanyang kasalukuyang biyahe sa Switzerland ay para patibayin ang pagkakaibigan, palawakin ang pagtutulungan, at pasulungin ang kapayapaan at kaunlaran. Magsisikap aniya ang Tsina, kasama ng Switzerland, para palalimin ang pragmatikong pagtutulungan sa ibat-ibang larangan, at payamanin ang nilalaman ng estratehikong partnership ng dalawang bansa. Samantala, umaasa rin aniya ang Tsina na magkakaroon ng kasunduan, kasama ng mga organisasyong pandaigdig, sa pangangalaga sa kapayapaang pandaigdig, pagpapasulong sa magkasamang pag-unlad, at mabisang paglutas sa ibat-ibang problemang kinakaharap ng buong mundo.
Ipinahayag naman ni Leuthard na isusulong ng kasalukuyang pagdalaw ni Pangulong Xi ang bilateral na relasyon ng Tsina at Switzerland. Aniya, nakahanda ang kanyang bansa na magsikap, kasama ng Tsina para talakayin ang pinalakas na pagtutulungan sa konstruksyon ng "Belt and Road Initiative," edukasyon, kultura, turismo, proteksyon ng kapaligiran, at iba pa. Samantala, umaasa aniya ang Switzerland na pahihigpitin ng Tsina ang pakikipagkoordinahan at pakikipagpalitan, sa balangkas ng United Nations, at iba pang multilateral na organong pandaigdig.