IBINALITA naman ni Finance Secretary Carlos Dominguez III na pumayag ang Tsina sa panukala ng Pilipinas na magpatupad sa pamamagitan ng hybrid o co-financing arrangements sa multilateral institutions sa malalaking proyektong isinumite sa Tsina upang tustusan sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa isang pahayag na inilabas ng Department of Finance, sinabi ni Secretary Dominguez na namuno sa isang high-level delegation sa Tsina noong huling linggo ng Enero na tanggap ni Chinese Commerce Minister Gao Hucheng ang panukala na magkaroon ng kasunduan sa multilateral institutions tulad ng Asian Development Bank, World Bank at Asian Infrastructure Investment Bank.
Ani G. Dominguez, naniniwala ang mga Tsino na kailangang magawa kaagad ang mga proyektong magpapaunlad sa Pilipinas.
May tatlong malalaking proyekto na kinabibilangan ng Chico River Pump Irrigation Project sa Cagayan at Kalinga na nagkakahalaga ng US$ 53.6 milyon, ang New Centennial Water Source-Kaliwa Dam Project sa Quezon Province na nagkakahalaga ng US$ 374.03 milyon at ang South Line ng North-South Railway mula Maynila hanggang Legazpi City na nagkakahalaga ng US$ 3.01 bilyon.