Idinaos kahapon, Linggo, ika-19 ng Pebrero 2017, ng kapulisan ng Malaysia, ang kauna-unahang opisyal na news briefing, kaugnay ng pagpatay noong ika-13 ng buwang ito sa paliparan sa Kuala Lumpur, sa isang lalaking taga-Hilagang Korea, na pinaghihinalaang si Kim Jong Nam, nakatatandang kapatid ni Kim Jong Un, lider ng H.Korea.
Sinabi ni Noor Rashid Ibrahim, Deputy Inspector-General ng kapulisan ng Malaysia, na dinakip na nila ang 4 na suspek sa naturang insidente. Kabilang dito aniya ay babaeng taga-Biyetnam, lalaking taga-Malaysia, babaeng taga-Indonesya, at lalaking taga-Hilagang Korea. Ayon pa rin kay Rashid, 4 pang lalaking taga-H.Korea ang pinaghihinalaang kasangkot sa insidenteng ito, pero umalis na sila ng Malaysia, noong araw na naganap ang insidente.
Kaugnay naman ng identidad ng nasawi, sinabi ni Rashid, na ayon sa passport na dala ng nasawi, Kim Chol ang kanyang pangalan. Aniya, makukumpirma lamang ang identidad ng nasawi, sa pamamagitan ng DNA test. Pagkaraang makuha ang DNA sample ng kanyang mga kamag-anakan, saka lang ito malalaman. Dagdag pa ni Rashid, isinagawa na ng awtoridad ang postmortem examination sa nasawi, at hinihintay ang resulta para tiyakin ang sanhi ng pagkamatay.
Ipinahayag din ni Rashid, na hindi interesado ang panig Malay sa paghula sa motibong pulitikal ng naturang insidente. Ang tungkulin aniya ng panig Malay ay pag-iimbestiga ng katotohanan, paghahanap ng mga ebidensiya, at pagharap sa batas ng mga maykagagawan.
Salin: Liu Kai