|
||||||||
|
||
Delegasyon ng Saceda Youth Lead
Bumisita ngayong araw, Pebrero 20, 2017 sa tanggapan ng Serbisyo Filipino ng Radyo Internasyonal ng Tsina (SF-CRI) sa Beijing ang Saceda Youth Lead, isang leadership institution ng Pilipinas.
Panayam ng ilang miyembro ng delegasyon ng Saceda Youth Lead sa Serbisyo Filipino
Kalahok na miyembro ng Saceda Youth Lead sa kanilang pagbisita sa broadcasting studio ng Serbisyo Filipino
Sa panayam sa Serbisyo Filipino, ipinahayag ni Edwin M. Bernadas Jr., puno ng delegasyon, na ang pagbisitang ito ay naglalayong ipakita sa mga estudyanteng Pilipino, kung paano sinasanay ng ibat-ibang unibersidad at institusyon ng Tsina ang mga kabataang Tsino upang maging epektibong lider sa ibat-ibang larangan.
Napakahalaga aniya nito para sa mga kabataang kalahok upang mabuksan ang kanilang mga isipan sa tunay na pag-unlad at mga pangyayari sa Tsina.
Ito rin aniya ay makapagpapalalim sa pag-unawa ng mga naturang kalahok sa kulturang Tsino, at magsisilbing mahalagang instrumentong kanilang magagamit sa pagdedebelop ng sarili at bukas na pag-unawa sa ibat-ibang kultura sa mundo.
Sa kanilang pagbalik sa Pilipinas, magkakaroon ng mga programa ang Saceda Youth Lead upang maituro ng mga kalahok ang maraming kaalamang natutunan hinggil sa lipunan, ekonomiya at kultura ng Tsina sa ibang mga kabataang Pilipino, ani Bernadas.
Jade Xian, Direktor ng Serbisyo Filipino habang ipinaliliwanag ang hinggil sa Serbisyo Filipino
Sa pamamagitan ng isang presentasyon, isinalaysay naman ni Jade Xian, Direktor ng Serbisyo Filipino ang hinggil sa kasaysayan, misyon, layunin, at ibat-ibang programa ng SF-CRI.
Ang Saceda Youth Lead ay isang institusyong nagseserbisyo sa mga kabataang Pilipino, sa ilalim ng pamamahala ng National Youth Commission (NYC).
Mula sa kaliwa, Edwin Bernadas Jr.,Nikko Ederio,Jade Xian,Asuncion Pabalan,Carolina Carumba,Aimee Chua
Labinsiyam (19) na taon na itong naglilingkod sa mga kabataan mula sa elementarya, mataas na paaralan, kolehiyo at maging sa mga batang propesyunal upang bigyan sila ng pagkakataon na magsanay na maging lider, sa pamamagitan ng edukasyon at aksyon.
Ito ang ikalawang beses nang pagbisita ng Saceda Youth Lead sa SF-CRI, at sa taong ito, ang delegasyon ay binubuo ng 18 ang kalahok.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |