Kaugnay ng pagde-deploy ng Tsina ng mga instalasyong militar sa mga isla sa South China Sea at isyu ng kalayaan ng paglalayag at paglipad sa karagatang ito, ipinahayag ni Wang Guoqing, Tagapagsalita ng Ika-5 Sesyong Plenaryo ng Ika-12 Pulitikal na Konsultatibong Kapulungan ng mga Mamamayang Tsino (CPPCC), sa news briefing na idinaos nitong Huwebes, Marso 2, 2017 sa Great Hall of the People, na ang mga isla sa South China Sea ay likas na teritoryo ng Tsina, at ganap na normal ang pagtatayo ng ilang instalasyon at pagde-deploy ng ilang kinakailangang instalasyong pandepensa sa sariling teritoryo. Ito aniya ay lehitimong karapatan ng isang soberanong bansa na kinikilala ng pandaigdigang batas.
Si Wang Guoqing, Tagapagsalita ng Ika-5 Sesyong Plenaryo ng Ika-12 CPPCC
Tungkol sa kalayaan ng paglalayag at paglipad sa South China Sea, sinabi niya na bilang pangunahing trading state sa daigdig at pinakamalaking bansa sa baybaying-dagat ng South China Sea, lubos na pinahahalagahan ng Tsina ang naturang kalayaan sa kagaratang ito. Makaraang matapos ang World War II (WWII) at mabawi ng Tsina ang mga isla sa South China Sea, walang anumang nakikitang problema sa kalayaan ng paglalayag sa nasabing karagatan, nitong mga taong nakalipas, ani Wang.
Dagdag pa niya, ang mga tinayong instalasyong pansibilyan sa mga isla sa South China Sea ay gumaganap din ng positibong papel sa aspekto ng paggarantiya sa kaligtasan sa paglalayag at pagsasagawa ng makataong panaklolo.
Salin: Li Feng