![]( /mmsource/images/2017/03/05/5081bc63d50448b48643a61c164cdab4.jpg)
Sa kanyang Government Work Report sa Ika-5 Sesyon ng Ika-12 Pambansang Kongresong Bayan ng Tsina, na binuksan kaninang umaga, Linggo, ika-5 ng Marso 2017, sa Beijing, iniharap ni Premyer Li Keqiang ng Tsina ang mga detalyadong gawain ng pamahalaan sa taong ito.
Iniharap ni Li, na 6.5% ang itinakdang target ng paglaki ng GDP ng Tsina sa taong ito. Dagdag niya, ang pagpapanatili ng matatag na paglaki ng kabuhayan ay naglalayon, pangunahin na, dagdagan ang hanapbuhay, at pabutihin ang pamumuhay ng mga mamamayan.
Sinabi rin niyang, sa taong ito, magkahiwalay na babawasan ng 350 bilyong yuan at 200 bilyong yuan ang mga buwis at singil sa mga bahay-kalakal. Hihimukin din aniya ng pamahalaan ang pagpunta ng mas maraming pondo sa real economy.
Kaugnay naman ng pangangalaga sa kapaligirang ekolohikal, sinabi ni Li, na dapat pag-ibayuhin ang pagsisikap para sa malinis na hangin. Hiniling niyang patuloy na pababain ang emisyon ng mga polutant, at pahigpitin ang pagpapatupad ng batas at pag-iimbestiga sa mga aksyong nakakapinsala sa kapaligiran.
Dagdag niya, dapat ding pabutihin ang gawain ng pamahalaan sa ilang iba pang aspekto kung saan nagkakaroon ng di-kasiyahan ang mga mamamayan, na gaya ng pabahay, edukasyon, serbisyong medikal, serbisyo sa mga senior citizen, kaligtasan ng mga pagkain at gamot, at iba pa.
Salin: Liu Kai