MAHALAGA ang field trips sa mga paaralan, sa mababang paaralan hanggang high school at maging sa kolehiyo. Ito ang sinabi nina Undersecretary Jesus Mateo at CHED Director Ranie Lavita sa idinaos na "Tapatan sa Aristocrat."
Mahalaga ang mga ito subalit kailangang maging maliwanag sa lahat ng stakeholder sapagkat mahalaga ang kaligtasan ng madlang mag-aaral.
Ayon kay G. Benjie Valbuena ng Alliance of Concerned Teachers, marapat lamang na matiyak na ligtas ang mga mag-aaaral sa kanilang paglalakbay. Karaniwang ginagawa ng mga may paaralan ang paggamit ng tourist buses sa bawat field trip.
Isang malaking hamon sa Land Transportation Office na magamit ang kanilang motor-vehicle inspection service upang malaman ng madla kung ligtas o hindi ang mga sasakyang ginagamit ng madla.
Ito ang niliwanag ni Bobby Reynera ng "Ako Pasahero" sa palatuntunan. Ang LTO sa pamamagitan ng Motor Vehicle Inspections System ang tanging ahensyang magsasabi kung ligtas nga ba ang mga sasakyan sa lansangan.