NAPATAY ang apat na pinaghihinalaang sangkot sa kalakal ng droga sa hiwalay na pangyayari kanina ilang oras matapos ilunsad na muli ang kampanya laban sa illegal drugs. Naunang sinabi ni PNP Director General Ronald dela Rosa na hindi ito magiging madugo tulad ng nakalipas na kampanya.
Ang pangyayaring ito ang kauna-unahan mula ng magtalumpati si General dela Rosa kahapon ng umaga.
Tatlong pinaghihinalaang drug pusher ang napatay kaninang madaling araw ng tumangging madakip ng mga alagad ng batas sa dalawang bayan ng Bulacan. Ito ang ibinalita ni Sr. Supt. Romeo Caramat, Bulacan police director.
Ang ikaapat ay napaslang ng makipagtalo sa mga tauhan ng pulisya sa isang checkpoint. Nakabawi ang pulisya ng tatlong baril at illegal drugs sa mga insidente.
Ang programa ng pamahalaan laban sa droga ang dahilan ng pagkabalisa ng international community matapos mapaslang ang may halos 8,000 katao mula noong unang araw ng Hulyo, 2016.