Isinalaysay kahapon, Miyerkules, ika-29 ng Marso 2017, ni Tagapagsalita Lu Kang ng Ministring Panlabas ng Tsina, ang pinakahuling kalagayan ng insidente ng pagpatay ng plainclothes police ng Pransya sa isang mamamayang Tsino sa kanyang bahay sa Paris.
Sinabi ni Lu, na ayon sa panig Pranses, suspendido na sa tungkulin ang mga pulis na kasangkot ng naturang insidente. Ipinahayag din ng Ministring Panlabas at Ministri ng Suliraning Panloob ng Pransya, na pabibilisin ang imbestigasyon, at ipapalabas sa lalong madaling panahon ang katotohanan ng insidente.
Kaugnay naman ng pagrarali ng mga overseas Chinese sa kapulisan ng Paris pagkaraang maganap ang insidente, inulit ni Lu ang paninindigan na dapat ipagtanggol ng mga mamamayan ang kanilang karapatan, sa pamamagitan ng lehitimo at makatwirang paraan.
Salin: Liu Kai