Beijing, Tsina—Miyerkules, Hulyo 5, 2017, idinaos ang talakayan ng mga mamamahayag na Tsino't Pilipino. Malalimang tinalakay ng 30 mamamahayag na Pilipino na kasalukuyang imbitado sa workshop sa pagbabalita sa Tsina at mga mamamahayag ng mga pangunahing media ng Tsina ang mga paksang gaya ng kooperasyon sa media.
Sinabi ni Ji Xingxing, Kalihim ng Sekretaryat ng Samahan ng mga Mamamahayag ng Tsina, na ang Pilipinas ay mapagkaibigang kapitbansa ng Tsina, at ito rin ay mahalagang bansa sa kahabaan ng Belt and Road. Aniya, ang susi ng matibay na pundasyon ng relasyon ng mga bansa ay pagpapasulong ng pagkakaibigan at pag-uunawaan ng mga mamamayan. Dagdag pa niya, ang pagdaraos ng kasalukuyang workshop para sa mga mamamahayag na Pilipino ay konkretong hakbangin sa pagpapatupad ng bunga ng pagdalaw ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Tsina. Ito rin ay mahalagang hakbangin sa pagpapalakas ng pagpapalitan at pagtutulungan sa sirkulo ng impormasyon ng dalawang bansa, aniya pa.
Pinasalamatan naman ng mga panauhing Pilipino ang pagtataguyod ng naturang samahan ng kasalukuyang aktibidad. Ipinalalagay nilang sa pamumuno nina Pangulong Xi Jinping at Pangulong Duterte, ibayo pang lumalim ang relasyong pangkaibigan ng Tsina at Pilipinas. Anila, ang pagpapalakas ng kooperasyon ng mga organo ng impormasyon ng dalawang bansa ay makakatulong sa pagpapalitan ng impormasyon ng kapuwa panig, at pagbabawas ng maling pagpapasiya.
Salin: Vera