NANINIWALA si dating Senador Francisco S. Tatad na kailangang baguhin ang Saligang Batas na binuo noong 1987 upang makatugon sa pangangailangan ng panahon.
Ito ang sinabi ni G. Tatad sa idinaos na "Tapatan sa Aristocrat" kaninang umaga. Idinagdag ng dating senador na 'di na kailangan ang pagkakaroon ng sesyon ng mga mambabatas ng mababa at mataas na kapulungan kung may deklarasyon ng Martial Law sapagkat maaaring mawalan ng saysay ang deklarasyon na nararapat nakaatang sa balikat ng pangulo ng bansa.
Hindi niya maunawaan kung bakit pa kailangang mag-sesyon ng Kongreso kung mayroon nang tunay na pananalakay ng ibang bansa at kung magkakaroon ng emergency.
Pananagutan ng pangulo ng bansa ang deklarasyon ng martial law sa alin mang bahagi ng bansa, dagdag pa ni Senador Tatad. Lubha umanong nangamba ang mga bumuo ng Saligang Batas dahil sa karanasan noong panahon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos kaya't pinalabnaw ang poder ng pangulo ng bansa.
Naniniwala si G. Tatad na kailangan pa ang Martial law sa Mindanao.