Sinabi Miyerkules, Agosto 16, 2017 ni Hua Chunying, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina, na naniniwala siyang may kakayahan ang Tsina at Pilipinas na pangalagaan ang kapayapaan, pagkakaibigan at kooperasyon sa South China Sea (SCS).
Kaugnay ng sinasabi ni Alan Peter Cayetano, Kalihim ng Ugnayang Panlabas ng Pilipinas, na isinasagawa ng dalawang bansa ang pagsasanggunian hinggil sa kasunduan ng magkasamang pagagagalugad ng yamang langis at natural gas sa pinaghihidwaang lugar sa SCS, ipinahayag ni Hua na nitong ilampung taong nakalipas, palagiang iginigiit ng Tsina ang paninindigang "pagsasaisantabi ng mga hidwaan at magkasamang paggagalugad" para hawakan ang mga hidwaan hinggil sa SCS at pasulungin ang bilateral na relasyon sa mga bansa sa paligid ng SCS.
Sinabi pa ni Hua na batay sa mga pandaigdigang batas at praktika, bago ang pinal na paglutas sa mga hidwaang pandagat, dapat panatilihin ng mga kasangkot na bansa ang pagtitimpi at buong sikap na isagawa ang mga aktuwal at pansamantalang kaayusan para pangalagaan ang katatagan at kapayapaan ng SCS at likhain ang kondisyon para sa pinal na paglutas sa mga hidwaan.
Kaya, aniya pa, ang mga may kinalamang kooperasyon at magkasamang paggagalugad ng dalawang bansa ay hindi nakakahadlang sa kani-kanilang paninindigan sa isyung ito at pagtatakda ng pinal na demarkasyon sa nasabing lugar.