New York — Sa kanyang pakikipag-usap Martes, Setyembre 19, 2017, sa kanyang Indonesian counterpart na si Retno Marsudi, ipinahayag ni Ministrong Panlabas Wang Yi ng Tsina, na di-katanggap-tanggap ang marahas na insidenteng naganap kamakailan sa estadong Rakhine ng Myanmar. Dapat aniyang unawain ang ginagawang pagsisikap ng pamahalaan ng Myanmar upang mapangalagaan ang katatagang panlipunan. Nakahanda ang Tsina na magsikap kasama ng komunidad ng daigdig, upang patuloy na mapatingkad ang konstruktibong papel sa pagpapahupa ng situwasyon sa nasabing lugar, dagdag niya.
Ipinahayag naman ni Retno Marsudi na bilang pinakamalaking bansang Islamiko sa daigdig, binibigyan ng kanyang bansa ng lubos na pagkabahala ang kasalukuyang situwasyon sa estadong Rakhine, Myanmar. Nakahanda aniya ang kanyang bansa na patingkarin ang positibong papel upang pigilin ang paglala ng situwasyon at hanapin ang kalutasan. Hinahangaan din aniya ng Indonesia ang posisyon at paninindigan ng Tsina sa isyung ito.
Salin: Li Feng