Idinaos Martes, ika-14 ng Nobyembre, 2017 sa Manila ang pulong ng mga lider ng Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP). Ito ang unang pulong ng mga lider ng mga kasangkot na bansa sapul nang simulan ang mekanismo ng talastasan ng RCEP noong 2012.
Kabilang sa nasabing talastasan ang 10 bansa ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN), at 6 na dialogue partners nito na gaya Tsina, Hapon, Timog Korea, Australia, New Zealand at India. Nakapaloob sa talastasan ang mahigit 10 larangang gaya ng mga katamtaman at maliit na bahay-kalakal (SMEs), pamumuhunan, kooperasyon sa kabuhayan at teknolohiya, paninda at kalakalan ng serbisyo.
Sa magkasamang deklarasyon pagkatapos ng pulong, inulit ng mga kalahok na lider na malaki ang nakatagong lakas ng RCEP. Ito anila ay magpapasulong ng hanap-buhay, sustenableng paglaki, pag-unlad na may pagbibigayan, inobasyon at pagbuti ng pamumuhay ng mga mamamayan.
Ang talastasan ng RCEP ay ang kasalukuyang talastasan ng malayang sonang pangkalakalan (FTA) sa Silangang Asya na may pinakamaraming kasangkot na bansa at pinakamalawak na impluwensiya.
Ayon sa datos, kung maisasakatuparan ang RCEP, bubuuin ang isang FTA na may halos 3 bilyong populasyon, halos 21 trilyong US Dollars GDP at 30% ng kabuuang bolyum ng pandaigdigang kalakalan.