Noong ika-27 ng Disyembre, 2017, ipinahayag dito sa Beijing ni Hua Chunying, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina, na narating ang maraming komong palagay sa China-Afghanistan-Pakistan Foreign Ministers' Dialogue. Aniya, ang diyalogo at kooperasyon ng nasabing tatlong panig ay hindi nakatuon sa anumang bansa. Umaasa rin aniya ang Tsina, na makakabuti ang diyalogo naturan sa buong rehiyon. Hindi rin dapat maapektuhan ng ibang mga puwersa, dagdag ni Hua.
Idinaos noong ika-26 ng Disyembre ang Unang China-Afghanistan-Pakistan Foreign Ministers' Dialogue sa Beijing. Ibinalita ng ilang dayuhang media ang pangyayaring ito, at inulat nilang ang extension ng China–Pakistan Economic Corridor (CPEC) sa Afghanistan ay ikinababahala ng India. Bilang tugon, sinabi ni Hua na, tulad ng sinabi ni Ministrong Panlabas Wang Yi ng Tsina, ang CPEC ay hindi nakatuon sa anumang panig. Aniya pa, ang Afghanistan ay mahalagang kapitbansa ng Tsina at Pakistan, at ang bansang ito ay may malaking hangarin sa pagpapaunlad ng kabuhayan at pagpapabuti ng pamumuhay ng mga mamamayan. Nakahanda rin aniya ito na lumahok sa konektibidad ng rehiyon. Buong pagkakaisang ipinalalagay ng tatlong panig na mapapahigpit ang konektibidad sa ilalim ng framework ng "Belt and Road" Initiative para maisakatuparan ang komong pag-unlad at mapasulong ang kapayapaan at katatagan ng rehiyon, dagdag ni Hua.
salin:Lele