Beijing-Sa sidelines ng kauna-unahang Diyalogo ng mga Ministrong Panlabas ng Tsina, Afghanistan at Pakistan, nakipag-usap disyembre 26, 2017 si Ministrong Panlabas Wang Yi ng Tsina sa kanyang Pakistani countertpart na si Khawaja Asif.
Binigyang-diin ni Wang na nakahanda ang Tsina na magsikap, kasama ng Pakistan para ibayo pang mapalalim ang estratehikong partnership ng dalawang bansa. Aniya, ang Programang Economic Corridor ng Tsina at Pakistan ay mahalagang bahagi ng pagtutulungang pandaigdig kaugnay ng "Belt and Road Initiative." Nagpapakita aniya ito ng komong mithiin at pagsisikap ng dalawang panig sa pagpapasulong ng konektibidad at magkasamang pag-unlad ng rehiyon.
Ipinahayag ni Wang, na ang nasabing diyalogo na itinataguyod ng Tsina ay naglalayong magtatag ng platapormang pandiyalogo sa pagitan ng Afghanistan at Pakistan para mapabuti ang kanilang bilateral na relasyon sa pamamagitan ng pagtatatag ng pagtitiwalaan. Samantala, ang pagpapasulong aniya ng pragmatikong pagtutulungan ng Tsina, Afghanistan at Pakistan ay makakatulong sa pangangalaga sa kapayapaan, katatagan, at kaunlaran ng tatlong panig at rehiyon.
Ipinahayag naman ni Asif na handa ang Pakistan para pahigpitin ang pakikipagpalitan sa Tsina, tupdin ang komong palagay na narating ng mga liderato ng dalawang bansa, at pasulungin ang konstruksyon ng nasabing economic corridor. Positibo aniya ang Pakistan sa nasabing Foreign Ministers' Dialogue. Aniya, nakahanda ang Pakistan na magsikap, kasama ng Tsina at Afghanistan para mapasulong ang pagtatamo ng konstruktibong bunga ng diyalogo.