Beijing-Ipinahayag Enero 16, 2018 ni Lu Kang, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina, na sa taong 2018, magsisikap ang Tsina, kasama ng Rusya para ibayong pahigpitin ang koordinasyon sa mga suliraning pandaigdig, para magkasamang pangalagaan ang kapayapaan at katatagan ng rehiyon at daigdig.
Winika ito ni Lu bilang tugon sa pahayag ika-15 ng buwang ito ni Ministrong Panlabas Sergei Lavrov ng Rusya, na palaging nananatiling mahigpit at mabisa ang pagtutulungan ng Tsina at Rusya sa mga isyung pandaigdig, na gaya ng isyung nuklear ng Peninsula ng Korea.
Ipinahayag ni Lu na positibo ang Tsina sa nasabing pahayag ni Ministrong Sergei Lavrov. Aniya, bilang komprehensibong estratehikong magkatuwang, nananatiling mahigpit ang pagtutulungan at pagpapalitan ng Tsina at Rusya sa mga masusing isyung panrehiyon at pandaigdig. Aniya, nagsisikap at nangakong magsisikap pa sa 2018 ang dalawang panig para pangalagaan ang Karta ng UN at mga regulasyong pandaigdig, pasulungin ang proseso ng kalutasang pampulitika ng mga mainit na isyung pandaigdig, pasulungin pa ang mekanismo ng Shanghai Cooperation Organization, at BRICS countries (Brazil, Russia, India, China at South Africa). Dagdag pa niya, ipagpapatuloy ng dalawang panig ang pagtutulungan sa konstruksyon ng "Belt and Road," at ugnayan ng Eurasian Economic Union, para pasulungin ang integrasyong pangkabuhayan ng rehiyon.