|
||||||||
|
||
PINANGUNAHAN ni Legazpi City Mayor Noel Rosal ang paglilikas ng mga naninirahan sa dalisdis ng bulkang Mayon kaninang mga ikatlo ng hapon.
Samantala, sa panayam kay G. Ed Laguerta ng PHIVOLCS sa Ligñon Hill Obsevatory, sinabi niyang binantayan din nila ang mga nagaganap sa mga barangay tulad ng pagkatuyo ng mga balon na nagbabadyang may pag-iinit sa ilalim ng lupa.
Sinusukat din nila ang sulfur-dioxide emission ng bulkang Mayon na umaabot sa ilang libong tonelada. Normal na naglalabas ang bulkan ng may 500 tonelada ng sulfur-dioxide sa bawat araw.
Sinusuri din ng kanilang mga dalubhasa kung may nagaganap na pamamaga sa bulkan.
Kabilang din sa kanilang minamatyagan ang pagbaba ng mga hayop sa ilang sapagkat 'di nila kinakaya ang pag-init ng lupa na kanilang kinaroroonan. Bagamat, sa pagdami ng mga tao sa paanan ng bulkang Mayon, wala na halos mga hayop sa ilang na nakikitang bumababa sa oras na mag-init ang bulkan.
Binabantayan ng mga dalubhasa ang mga nagaganap sa bulkang Mayon sa pamamagitan ng mga seismograph na nakakabit na sa mga computer sa Lignon Hill na may 14 na kilometro mula sa bulkan.
Samantala, nangangamba si Gobernador Bichara na mayroon na namang maiipon na volcanic debris sa dalissdis ng bulkan. Sa panayam, sinabi ng gobernador na ang mga basurang buhangin at bato mula sa bulkan ang dahilan ng pagkasawi ng higit sa 1,600 katao noong 2006 matapos dumaan ang isang bagyong maraming ulan.
PAGKAING DAGDAG SA RASYON KAILANGAN. Pinamunuan ni Congressman Fernando Gonzales ang pamamahagi ng mga gulay mula sa mga bukiring pinagtatamnan ng mga kababaihan. Namahagi rin siya ng tilapia bilang pangdagdag sa rasyon ng pamahalaan sa evacuation centers. (Melo M. Acuna)
Bilang pangdagdag sa kinakain ng mga evacuee, nagbibigay ng mga gulay at isda si Congressman Fernando Gonzales sa mga paaralang kinalalagyan ng mga lumikas. Bukod sa gulay ay namamahagi pa ang mga tauhan ng mambabatas ng isda at mga nagamit nang damit.
Inamin ni Congressman Gonzales na bagama't mahirap manirahan sa evacuation centers, nasasanay na rin ang mga mamamayan sapagkat madalas silang inililikas patungo sa mga gusali ng mga paaralan upang manirahang pangsamantala. Nagaganap ang mga paglilikas na oras na may malakas na bagyong darating at kung may mga pagsabog ang Mayon.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |