Bilang sugo ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina sa seremonya ng pagbubukas ng Pyeongchang Olympic Games, nakipag-usap Pebrero 8 si Pangulong Moon Jae-in ng Timog Korea kay Hang Zheng, Pirmihang Kagawad ng Pulitburo ng Komite Sentral ng Partido Kumunista ng Tsina.
Ipinahayag ni Hang Zheng ang pagbati ng Pangulong Tsino sa kanyang counterpart mula sa Timog Korea, at pagtatamo ng tagumpay ng Olimpiyada ng Pyeongchang.
Ipinahayag ng dalawang panig na nakahanda silang magkasamang magsikap, para ibayo pang pasulungin ang bilateral na relasyon, batay sa paggagalangan, maayos na paglutas sa mga sensitibong isyu, at pagpapalakas ng pagtitiwalaan at pagtutulungan.
Ipinahayag ni Hang na positibo ang Tsina sa pagpapanumbalik ng diyalogo ng Timog at Hilagang Korea dahil sa mga may-kinalamang isyu ng Olimpiyada ng Pyeongchang. Umaasa rin aniya siyang magkasamang magsisikap ang mga may-kinalamang panig para ibayong mapahupa ang kalagayan sa Peninsula ng Korea, at pasulungin ang mapayapang paglutas sa isyung nuklear ng peninsula.
Ipinahayag naman ni Pangulong Moon ang pagpapahalaga sa konstruktibong papel ng Tsina sa isyung nuklear ng peninsula. Nakahanda aniya ang Timog Korea na pahigpitin ang pakikipagpalitan sa Tsina para pasulungin ang patuloy na pagdidiyalogo ng Timog at Hilagang Korea sa pamamagitan ng Olimpiyada ng Pyeongchang, at mapayapang lutasin ang isyu ng peninsula. Ito aniya'y makakatulong sa pagsasakatuparan ng pangmatagalang kapayapaan at kasaganaan ng rehiyong ito.