Batay sa dokumentong inilabas kamakailan ng National Development and Reform Commission (NDRC) at Ministry of Housing and Urban-Rural Development ng Tsina, itatatag ng bansa ang isang city group ng mga lunsod na sasaklaw sa Shaanxi, Shanxi, at Gansu, tatlong lalawigan sa kanlurang bahagi ng Tsina.
Kaugnay nito, isinalaysay kahapon, Linggo, ika-11 ng Pebrero 2018, ni Meng Wei, Tagapagsalita ng NDRC, na layon ng pagtatatag ng naturang city group na pasulungin ang paggagalugad sa kanlurang bahagi ng Tsina, at makipagkoordina sa Belt and Road Initiative.
Ayon kay Meng, nakatakdang matapos sa taong 2035 ang pagbuo ng naturang city group. Aniya, sa panahong iyon, ang mga lugar na bubuo ng city group ay magkakaroon ng masiglang kabuhayan, de-kalidad na pamumuhay, magandang ekolohiya, masaganang kultura, at malakas na impluwensiya sa daigdig.
Ipinahayag din ni Meng, na ang Xi'an, punong lunsod ng lalawigang Shaanxi ang magiging sentro ng naturang city group. Isasagawa aniya ang komprehensibong inobasyon at reporma sa Xi'an, para ang lunsod na ito ay maging sentrong pangkabuhayan, sentro ng pakikipagpalagayang panlabas, sentro ng inobasyong pansiyensiya at panteknolohiya, at transport hub sa kanlurang bahagi ng Tsina.
Salin: Liu Kai