|
||||||||
|
||
Bilang panghuling bahagi ng selebrasyon ng Ika-40 Anibersaryo ng Pagkakatag ng Diplomatikong Relasyon ng Tsina at Pilipinas, binuksan noong Miyerkules, Disyembre 9, 2015 ang Flavors of the Philippines Food Festival sa lunsod ng Xi'an, sa hilagang-kanlurang probinsya ng Shaanxi, Tsina.
Cake ng pagkakaibigan ng Pilipnas at Tsina
Ambassador Basilio (kanan) at Vice President Cheng Yunfu (kaliwa) habang ibinabahagi ang friendship cake, kasama ni Chef Lau (sa likod)
Sa pangunguna ng Embahada ng Pilipinas sa Beijing at pakikipagtulungan ng Sofitel Xi'an, itatanghal hanggang sa Disyembre 16, 2015 sa Cafe Azur Restaurant ang nasabing food festival, kung saan isisilbi ang mahigit 20 putaheng kumakatawan sa panlasa at kulturang Pilipino.
Sa kanyang pambungad na talumpati, ipinahayag ni Erlinda F. Basilio, Embahador ng Pilipinas sa Tsina, ang taos-pusong pagkagalak sa pagdaraos ng nasabing food festival.
Ambassador Erlinda F. Basilio
Aniya, ang Xi'an ang siyang simula ng sinaunang Silk Road at napapanahon lamang na rito idaos ang Flavors of the Philippines Food Festival upang ipagdiwang ang pagkakaibigan ng mga Pilipino at Tsino.
Dagdag ni Basilio, ang sinaunang Silk Road ay hindi lamang nagdala ng kalakal at negosyo sa Pilipinas at Tsina, dinala rin nito ang matalik na pagkakaibigan at pagkakabuklud-buklod ng mga mamamayan ng dalawang bansa: kaya aniya, ang nasabing pestibal ng pagkaing Pilipino ay nagbibigay galang din sa komong pagkatao na makikita sa pagmamahal sa pagkain ng mga Pilipino at Tsino.
"Pinagbubuklod ng pagkain ang mga tao at ito ay isang unibersal na karanasan," anang embahador.
Mula taong 2013, nagsimulang idaos ng Embahada ng Pilipinas ang mga katulad na food festival sa ibat-ibang lugar sa Tsina.
Ang mga food festival na ito, ani Basilio ay lalo pang nagpatibay sa bigkis ng pagkakaibigan ng mga Pilipino at Tsino na nagsimula libong taon na ang nakaraan, sa pamamagitan ng komersyo, migrasyon at pagpapakasal.
Samantala, inimbitahan din ng Embahada ng Pilipinas para sa Flavors of the Philippines Food Festival ang multi-awarded at celebrity chef na si Chef Laudico, at kilalang culinary expert na si Michaela Fenix.
Sa hiwalay na panayam, sinabi ni Chef Laudico na lahat ng putahe ay kumakatawan sa kultura at identidad ng mga Pilipino.
Personal aniyang sinisigurado ang kalidad at lasa ng bawat putahe, para maiparadam sa mga kaibigang Tsino ang hospitality ng mga Pilipino.
Aniya pa, ang tibay na relasyon ng Pilipinas at Tsina ay hindi lang makikita sa pagkain. "Ito'y nasa puso at diwa ng mga Pilipino at Tsino," dagdag ng chef.
Ayon naman kay Michaela Fenix, ang pagkain ay parang unibersal na wika at nagpapakita sa aspirasyon at malalim na kultura ng bawat sibilisasyon.
Sa pamamagitan aniya ng Flavors of the Philippines Food Festival, maipapakita at maipaparamdam sa mga kaibigang Tsino ang tunay na kulturang Pilipino, at ito ang magpapalakas sa pagkakaunawaan at pagkakaibigan ng mga mamamayan ng dalawang bansa.
Kasama sa mga dumalo sa pagtitipon ay sina Mr. Cheng Yunfu, Pangulo ng China Council for the Promotion of International Trade (Shaanxi Sub-council); Madame Yao Hongjuan, Deputy Director General ng Foreign Affairs Office ng People's Government ng Probinsya ng Shaanxi; ibat-ibang opisyal ng Embahada ng Pilipinas; mga opisyal ng Sofitel Xi'an; miyembro ng media; mga kaibigang Tsino; at marami pang iba.
rhio/jade/vera/andrea
| ||||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |