NANGAKO si Pangulong Duterte na bibigyan ng safe conduct pass si Jose Ma. Sison, founding chair ng Communist Party of the Philippines sa oras na magsimulang muli ang peace negotiations ayon sa mga kondisyon ng pamahalaan.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, Jr. handa si Pangulong Duterte na bigyan si G. Sison na dati niyang guro ng pagkakataong makauwi ng hindi madarakip sa dahilang mag-uusap ang magkabilang panig.
Tumakas si G. Sison patungo sa Europa matapos ang peace talks noong panahon ni Pangulong Corazon Aquino noong 1987. Nanirahan na siya sa Netherlands.
Magugunitang sinabi ni G. Duterte na bukas ang pamahalaan sa pagpapatuloy ng peace talks sa National Democratic Front sa oras na tumigil ang mga gerilya sa pananalakay at panghihingi ng buwis sa mga bahay-kalakal, sasang-ayon sa bilateral ceasefire at hindi hihiling na magkaroon ng coalition government.
Nangako rin si Pangulong Duterte na magbibigay ng hanapbuhay sa mga rebelde sa oras na tumigil na sila sa pangingikil at paniningil ng revolutionary taxes.