SINABI ni Labor Secretary Silvestre Bello III na hindi inaasahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpapatalsik kay Ambassador Renato O. Villa ng Embahada ng Pilipinas sa Kuwait. Nagulat umano ang pangulo sapagkat kausap pa ni Pangulong Duterte si Ambassador Musaed Saleh Ahmad Althwaikh sa Davao City kamakailan.
Ani Secretary Bello, itinanong pa ng Kuwaiti ambassador kung kailan lalagdaan na memorandum of understanding sa pagitan ng Pilipinas at Kuwait na nagsusulong ng ibayong proteksyon ng mga manggagawa sa mayamang bansa.
Sa isang briefing sa Singapore kanina, sinabi ni Secretary Bello na matapos ang pag-uusap sa Davao City, lumabas na maayos na ang lahat.
Nag-ugat ang issue sa sunod-sunod na nabalitang pang-aabuso sa mga manggagawang Filipino sa Kuwait. Sinuspinde ni Pangulong Duterte ang pagpapadala ng mga manggagawa sa Kuwait. Maaalis lamang ito sa oras na magkaroon ng kasunduan.
Bukod umano sa diplomatic relations, mayroon ding trade relations at bahagi umano ng trade relations ang overseas workers, dagdag pa ni Secretary Bello.