Sa kanilang pag-uusap sa telepono Biyernes, Mayo 11 (local time), inulit nina Chancellor Angela Merkel ng Alemanya at Pangulong Vladimir Putin ng Rusya ang kanilang pangako sa Iran nuclear deal.
Sa kanilang diskusyon hinggil sa kalagayan ng Gitnang Silangan makaraang ipatalastas ng Amerika ang pag-urong mula sa nasabing kasunduan, ipinagdiinan nina Merkel at Putin na magsisikap sila para mapanatili ang nabanggit na kasunduan.
Makaraang ipatalastas ni Pangulong Donald Trump ang pag-urong ng Amerika sa nasabing kasunduan nitong Martes, Mayo 8, inilabas ng Alemanya, Britanya, at Pransya ang magkasanib na pahayag na mananatili ang tatlong bansa bilang kasapi ng kasunduan.
Ang Iran nuklear deal na pormal na tinawag na Joint Comprehensive Plan of Action (JCPOA) ay nilagdaan noong 2015 sa pagitan ng Iran, limang permanenteng miyembro ng UN Security Council (Tsina, Estados Unidos, Britanya, Pransya at Rusya), Alemanya at Unyong Europeo.
Salin: Jade
Pulido: Rhio