Ayon sa ulat na inilabas madaling araw ng Miyerkules, ika-16 ng Mayo, 2018, ng Korean Central News Agency, opisyal na ahensiya ng pagbabalita ng Hilagang Korea, dahil sa mga panibagong probokatibong aksyon ng Timog Korea at Amerika, na gaya ng kanilang magkasanib na pagsasanay militar, sinuspendi ng H.Korea ang pag-uusap sa mataas na antas nila ng T.Korea na nakatakdang idaos sa araw na ito. Samantala anito, dapat buong taimtim namang isaalang-alang ng Amerika ang kapalaran ng nakatakdang pag-uusap ng mga lider ng Amerika at H.Korea.
Ayon pa rin sa ulat, ipinalalagay ng panig H.Koreano, na ang nabanggit na magkasanib na pagsasanay militar ng T.Korea at Amerika, na sinimulan noong ika-11 ng buwang ito at isinasagawa sa buong T.Korea, ay hamon sa Panmunjon Declaration, at probokasyong salungat sa kasalukuyang kalagayan ng Korean Peninsula. Patuloy na sinusubaybayan ng H.Korea ang atityud ng T.Korea at Amerika, dagdag pa nito.
Pagkaraang ilabas ng panig H.Koreano ang naturang ulat, ipinahayag ngayong araw ng T.Korea ang kalungkutan.
Ayon sa pahayag ng Ministri ng Unipikasyon ng T.Korea, ang unilateral na pagsuspendi ng H.Korea ng pag-uusap ng dalawang bansa ay labag sa diwa ng Panmunjon Declaration, at dapat igiit ang diyalogo para talakayin ang mga isyu. Dagdag pa ng ministring ito, para isakatuparan ang sustenableng pag-unlad ng relasyon ng T. at H.Korea, at pangmatagalang kapayapaan sa Korean Peninsula, isasagawa ng pamahalaan ng T.Korea ang mga kinakailangang hakbangin.
Sinabi naman ng Kagawaran ng Estado ng Amerika, na patuloy nilang gagawin ang paghahanda para sa nakatakdang pag-uusap ng mga lider na Amerikano at H.Koreano, at ipinahayag nito ang pananalig, na maidaraos ang pag-uusap na ito. Sinabi rin ng naturang departamento, na ipinahayag minsan ng lider na H.Koreano ang pagkaunawa sa pagsasagawa ng Amerika at T.Korea ng mga pagsasanay militar.
Salin: Liu Kai