NAG-UTOS na ang isang hukuman na ilipat na ang sampung kasapi ng Aegis Juris fraternity sa Manila City Jail. Akusado sila sa pagpapasakit kay Horacio "Atio" Castillo III.
Walang pagwawaging nakamtan ang mga akusado sa kanilang kahilingang manatili na lamang sila sa National Bureau of Investigation Detention Center sa pangambang nanganganib sila sa karaniwang piitan.
Kanina, ibinigay na ng Manila Regional Trial Court Branch 20 sa warden ng NBI detention facility ang kautusang nagsasaad na mayroong 48 oras na dalhin ang mga akusado sa jail warden ng Manila City Jail. Inutusan din ang Manila jail warden na dalhin sa hukuman ang mga akusado sa darating ng ika-24 ng Hulyo sa ganap na ikawalo't kalahati ng umaga upang sumailalim sa arraignment. Mayroong appeal sa Department of Justice hanggang kanina kaya't di natuloy ang arraignment.