Washington D.C., Estados Unidos—Pagkaraan ng kanilang pag-uusap Miyerkules, Mayo 23, 2018 (local time), magkasamang humarap sa mga mamamahayag sina Wang Yi, dumadalaw na Kasangguni ng Estado at Ministrong Panlabas ng Tsina at Mike Pompeo, Kalihim ng Estado ng Amerika.
Ipinahayag ni Wang ang pag-asang magkasamang magpupunyagi ang dalawang bansa para mapahaba ang listahang pangkooperasyon at mapaigsi ang listahan ng mga problema. Para rito, ipinagdiinan ni Wang na dapat gawing estratehikong patnubay ang mga narating na kasunduan nina Pangulong Xi Jinping ng Tsina at Pangulong Donald Trump ng Amerika, at palalimin ang estratehikong pagtitiwalaan. Hiniling din ni Wang sa Amerika na palawakin ang pagtutulungang Sino-Amerikano sa mga suliraning panrehiyon at pandaigdig. Inulit din ni Wang ang suporta sa direktang diyalogo sa pagitan ng Hilagang Korea (DPRK) at Amerika. Ipinahayag pa ni Wang ang pagkadismaya sa di-pag-anyaya ng Amerika sa Tsina sa paglahok sa Pacific Rim Military Drill. Ani Wang, hindi konstruktibo ang kapasiyahan ng Amerika. Kaugnay naman ng deployment ng Tsina ng mga pasilidad sa South China Sea, sinabi ni Wang na lehitimo at nesesaryo ang ginawa ng Tsina sa sariling teritoryo, tulad ng ginawa ng Amerika sa Hawaii at Guam. Inulit din niyang pansibil at depensibo ang mga ito.
Sinabi naman ni Pompeo na bilang dalawang impluwensyal na bansa at pinakamalaking kabuhayan sa daigdig, makabuluhan ang relasyong Sino-Amerikano. Ipinalalagay aniya ng Amerika na sa kabila ng mga pagkakaiba, napakalaki rin ng pagkakataon ng pagpapalawak ng dalawang bansa ng pagtutulungan. Nakahanda aniya ang Amerika na magsikap, kasama ng Tsina para patuloy na mapabuti at mapaunlad ang bilateral na relasyon. Idinagdag pa ni Pompeo na pinahahalagahan ni Pangulong Trump ang pagkakaibigan at ugnayang pantrabaho nila ni Pangulong Xi, at nananabik ang pangulong Amerikano sa pagpapahigpit ng pakikipag-ugnayan sa pangulong Tsino.
Inulit din ni Pompeo ang pananangan ng Amerika sa patakarang Isang Tsina. Kaugnay ng ugnayang pangkabuhaya't pangkalakalan, sinabi niyang kontruktibo ang katatapos na may kinalamang pagsasanggunian ng dalawang bansa. Umaasa aniya siyang magkasamang ipapatupad ng dalawang panig ang mga narating na kasunduan sa nasabing pagsasanggunian para makinabang dito ang mga mamamayan ng dalawang bansa.
Salin: Jade
Pulido: Rhio