|
||||||||
|
||
SINABI ni Presidential Spokesman Harry Roque na hindi na kailangan ang certification ni Pangulong Duterte upang matiyak ang pagpasa ng Bangsamoro Basic Law.
Hiniling na noon ng mga pinuno ng Kongreso at Senado na kilalanin ni Pangulong Duterte ang panukalang batas bilang "urgent" upang maipasa ito sa ikalawa at ikatlo at huling pagbasa sa kani-kanilang mga kapulungan sa loob ng iisang araw.
Ipinaliwanag ni G. Roque na ang anumang ipapasa ng dalawang kapulungan ay lalagumin pa sa bicameral conference committee.
Ito ang sinabi ni Secretary Roque sa kanyang press conference sa Bontoc, Mountain Province. May pangako naman umano ang dalawang kapulungan na pag-iisahin ang anumang bersyon ng Kongreso at Senado upang malagdaan ni Pangulong Duterte at maging batas.
Ito ang tugon ni Secretary Roque matapos makausap ni Pangulong Duterte ang mga pinuno ng Kongreso at Senado at mga nakasama sa Bangsamoro Transition Commission sa Malacanang. Dumalo rin sa pulong si Presidential Peace Adviser Jesus Dureza.
Layunin ng BBL na matapos na ang deka-dekadang kaguluhan sa Mindanao sa pagbuo ng isang political entity na papalit sa Autonomous Region in Muslim Mindanao.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |