Ipinahayag Mayo 31, 2018 ni Hua Chunying, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina ang pag-asang sasamantalahin ng mga may-kinalamang panig ang pagkakataon para wakasan ang kalagayang pandigma sa Peninsula ng Korea, sa lalong madaling panahon.
Winika ito ni Hua bilang tugon sa pagdating sa New York ni Kim Yong Chol, Vice Chairman of the Central Committee of the Workers' Party of Korea (WPK), para sa preparasyon ng DPRK-US Summit.
Ipinahayag ni Hua na ang direktang pagkokontakan ng mga lider ng Hilagang Korea at Amerika ay nagsisilbing susi ng paglutas sa isyung nuklear ng Peninsula ng Korea. Positibo aniya ang Tsina sa katapatan at pagsisikap ng Hilagang Korea at Amerika para idaos ang nasabing summit sa nakatakdang panahon, upang maisakatuparan ang denuclearization, kapayapaan at kasaganaan ng peninsula.
Binigyang-diin ni Hua na kinakatigan ng Tsina ang pagsasakatuparan ng denuclearization sa Peninsula ng Korea, at ang isinagawang hakbang ng Hilagang Korea para rito, sa kasalukuyang taon. Samantala, umaasa aniya ang Tsina na magbibigay-galang sa mga pagkabahala ng Hilagang Korea sa larangang panseguridad, habang pinapasulong ang denuclearization ng peninsula. Aniya, matapos maisakatuparan ang denuclearization sa peninsula ay dapat maitatag ang pangmatagalan at mabisang mekanismong pangkapayapaan dito. Nakahanda ang Tsina na gumanap ng positibo at konstruktibong papel sa usaping ito, aniya pa.