Ipinahayag Mayo 31, 2018 ni Hua Chunying, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina, na palaging nagsasagawa ang Tsina ng patakarang pandepensa na nagtatampok sa pagtatanggol sa sarili. Aniya, ang pagtatatag ng Tsina ng mga pasilidad na militar sa mga teritoryong isla sa South China Sea ay angkop sa mga pandaigdigang batas.
Winika ito ni Hua bilang tugon sa paulit-ulit na pahayag kamakailan mula sa panig Amerikano hinggil sa umano'y militarization ng Tsina sa South China Sea at paggigiit nito ng "freedom navigation operation" dito. Sinabi ni Hua na ang lakas-militar ng Amerika sa South China Sea ay mas malaki kay sa kabuuang lakas-militar ng Tsina at littoral countries ng nasabing karagatan. Aniya, sa malawak na South China Sea, piniling maglayag ng mga warship ng Amerika sa rutang malapit sa mga isla ng Tsina, para sa kanyang "malayang paglalayag." Aniya, nais ba talaga nito ang nasabing "malayang paglalayag" alinsunod sa pandaigdigang batas o gusto lang nito ng kalayaang gawin ang anumang nais tulad ng isang hegemon?
Ani Hua, isinasagawa ng Tsina ang patakarang pandepensa na nagtatampok sa pagtatanggol sa sarili. Hindi aniya aatake ang Tsina sa ibang bansa kung hindi inatake ang Tsina. Aniya, ang pagtatatag ng mga pasilidad na militar sa sariling teritoryo ay angkop sa pandaigdigang batas at para sa pagtatanggol sa sarili. Umaasa aniya siyang itatakwil ng mga tao sa Amerika ang kanilang bali-balita at di-responsableng atityud, at gagawa ng bagay-bagay na makakatulong sa pagpapasulong ng pagtitiwalaan at pagtutulungan ng ibat-ibang bansa, at pangangalaga sa kapayapaan at katatagan ng rehiyon.
Nang araw ring iyon, kaugnay ng pagpapalit ng pangalan ng command ng hukbong Amerikano sa Pasipiko sa "Indo-Pacific Command of the US Forces" mula sa dating "Pacific Command," ipinahayag ni Hua na hindi mahalaga ang pangalan ng command ng hukbong Amerikano, pero, mas mahalaga ang pagpapatuloy nito ng responsableng atityud at konstruktibong papel sa pangangalaga sa kapayapaan at katatagan ng rehiyong ito.