Sinabi kahapon, Huwebes, ika-7 ng Hunyo 2018, sa White House, ni Pangulong Donald Trump ng Amerika, na kung maalwang idaraos ang pagtatagpo nila ni Kim Jong Un, Kataas-taasang Lider ng Hilagang Korea, sa Singapore, aanyayahan niya si Kim na dumalaw sa Amerika, at nananalig aniya siyang tatanggapin ni Kim ang paanyaya.
Winika ito ni Trump, sa magkasanib na preskon, pagkaraan ng pagtatagpo nila ni dumadalaw na Punong Ministro Shinzo Abe ng Hapon. Sinabi rin ni Trump, na tinatalakay ng Amerika at H.Korea ang hinggil sa paglagda sa kasunduang pangkapayapaan. Pero aniya, hindi mararating ang kasunduang ito, sa pamamagitan ng isa lamang na pagtatagpo.
Ipinahayag naman ni Abe, na ipinakita niya kay Trump ang pagkabahala ng Hapon sa isyu ng pagdukot ng mga agent ng H.Korea sa mga mamamayang Hapones, na naganap mula noong 1977 hanggang 1988. Ayon sa kanya, sinang-ayunan ni Trump na banggitin ang isyung ito sa pakikipagtagpo kay Kim. Ipinahayag din ni Abe ang kahandaan ng Hapon, kasama ng H.Korea, na lutasin ang mga isyung naiwan ng kasaysayan, at pasulungin ang normalisasyon ng relasyon at kooperasyong pangkabuhayan ng dalawang bansa.
Salin: Liu Kai