MAG-AALAY ng mga bulaklak ang mga kinatawan ng akademya, kababaihan at mga kabataan sa dating kinalalagyan ng bantayog ng comfort women sa darating na ika-siyam ng umaga sa Martes, ika-12 ng Hunyo kasabay ng pagdiriwang ng ika-120 taon ng Araw ng Kalayaan.
Mananawagan ang mga namumuno sa pagtitipon na ibalik ang inalis na bantayog kasabay ng kahilingang huwag burahin sa kasaysayan ng bansa ang pang-aabuso sa mga kababaihan noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Mananawagan din silang kilalanin ang kalagayan ng mga Lola na naging biktima ng mga pang-aabuso. May apat na lamang na nalalabi sa higit sa 120 mga kababaihang inabuso noong panahon ng Hapon sa Pilipinas.
Gaganapin ang pag-aalay ng bulaklak sa Roxas Blvd., malapit sa tapat ng Aloha Hotel. Inalis ang bantayog noong nakalipas na Biyernes, ika-27 ng Abril sapagkat may nakatakdang gawing drainage o pedestrian overpass sa kinalalgyan ng bantayog.
Pinasinayaan ang bantayog noong ikawalo ng Disyembre 2017 kasabay ng paggunita sa pagsiklab ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig.