Kunming, Lalawigang Yunnan ng Tsina—Sa ilalim ng temang "Bagong Panahon, Bagong Pagkakataon, Bagong Biyahe, Bagong Kaunlaran," binuksan Miyerkules, Hunyo 13, 2018 ang Ika-16 na Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Overseas Chinese Entrepreneurs Conference. Mahigit 600 mangangalakal na Tsino mula sa mahigit 40 bansa at rehiyon ang kalahok sa nasabing pulong.
Sa kanyang talumpati sa seremonya ng pagbubukas, sinabi ni Li Zhuobin, Pangalawang Tagpangulo ng All-China Federation of Returned Overseas Chinese (ACFROC), na ang Lalawigang Yunnan ay tulay ng pagpapalitang pangkabuhayan at pangkultura ng Tsina at mga bansa ng Timog Asya, at Timog-silangang Asya; at ito'y may namumukod na bentaheng heograpikal sa konstruksyon ng "Belt and Road." Aniya, pinalalim ng naturang komperensya ang kooperasyong pangkabuhaya't pangkalakalan ng Tsina at ASEAN, at naisaktuparan ang kooperasyong may win-win situation at komong kaunlaran ng iba't ibang panig.
Pagkatapos ng seremonya ng pagbubukas, nilagdaan ang kasunduan sa 5 proyektong nagkakahalaga ng 2.6 bilyong yuan RMB.
Salin: Vera