Binuksan sa Beijing Martes, Hulyo 10, 2018, ang Ika-8 Pulong na Ministeriyal ng Porum na Pangkooperasyon ng Tsina at mga Bansang Arabe. Dumalo sa seremonya ng pagbubukas ng pulong si Pangulong Xi Jinping ng Tsina, at bumigkas siya ng mahalagang talumpating pinamagatang "Magkakasamang Pasulungin ang Estratehikong Partnership ng Tsina at mga Bansang Arabe sa Bagong Siglo" kung saan idineklara niyang buong pagkakaisang sinang-ayunan ng dalawang panig na itatag ang estratehikong partnership na may komprehensibong kooperasyon, komong pag-unlad, at pagharap sa kinabukasan.
Ipinagdiinan ni Pangulong Xi na ang "Belt and Road" Initiative na itinataguyod ng panig Tsino ay nakakakuha ng malawakang pagkatig at aktibong pakikilahok ng komunidad ng daigdig na kinabibilangan ng mga bansang Arabe. Aniya, ang mga bansang Arabe ay likas na katuwang sa magkakasamang konstruksyon ng "Belt and Road." Nakahanda ang panig Tsino na palakasin kasama ng panig Arabe, ang kanilang estratehikong pag-uugnayan at magkakasamang mapasulong ang konstruksyon ng "Belt and Road" upang magkakasamang mapangalagaan ang kapayapaan, katatagan, kaunlaran, pagkakapantay-pantay, at katarungan sa Gitnang Silangan, aniya pa.
Idinagdag pa ni Pangulong Xi na napapatingkad ng nasabing porum ang malaking papel sa pagsasagawa ng dalawang panig ng diyalogo, at pagpapalakas ng kanilang kooperasyon. Dapat aniyang palakasin ng dalawang panig ang pagpapalitan upang magkaroon sila ng mas maraming komong palagay.
Lubos namang pinapurihan ng mga kalahok ang tradisyonal na pagkakaibigang Sino-Arabe. Anila, napakalaki ng potensyal ng kooperasyong Arabe-Sino. Nakahanda ang mga bansang Arabe na aktibong makilahok sa konstruksyon ng "Belt and Road." Lubos ding hinahangaan ng mga kalahok ang ibinibigay na mahalaga at positibong papel ng Tsina sa mga suliraning pandaigdig, at itinuturing anila ang Tsina bilang maaasahang katuwang.
Salin: Li Feng