SINABI ni Undersecretary of Defense Cardozo M. Luna na sa kakaibang takbo ng daigdig at walang katiyakang seguridad ng lipunan at mga bansa, kailangan ang isang matibay na mekanismo ng pagtutulungan ng mga bansang nagpapahalaga sa kapayapaan.
Sa kanyang talumpati sa isang pandaigdigang pulong sa Manila Hotel, sinabi ni Undersecretary Luna na dati ring vice chief of staff ng Armed Forces of the Philippines, kailangang mag-ugnayan ang mga bansa upang isulong ang nagkakaisang layunin at matugunan ang mga makabagong hamon.
Sinabi niyang nahaharap ang Asia Pacific region sa iba't ibang panganib at kailangang magbahaginan ng mga matatagumpay na paraan upang matuto ang iba't ibang bansa sa paghahanap ng paraan upang masugpo ang anumang panganib.
Idinagdag niyang ang mga bumubuo ng mga programa sa Pilipinas at sa rehiyon ay nagtutulungan upang magkaroon ng mas malakas at matibay na international community.
Ang pagpupulong ay itinataguyod ng Department of National Defense sa pamamagitan naman ng National Defense College of the Philippines.