|
||||||||
|
||
INAMIN nina Presidential Anti-Corruption Commissioner Manuelito Luna at Citizens Crime Watch President Diego Magpantay, Jr. na kahit pa nagpapatuloy ang katiwalian sa ilalim ni Pangulong Rodrigo Duterte, makatitiyak naman ang madla na kumikilos sila upang magugpo ito.
May datos umano noong nakalipas na sampung taon na sa bawat piso na nararapat gastusin ng pamahalaan sa mga proyekto ay 40 sentimos o 40 porsieyento ng buong budget ang nauuwi sa mga tiwaling opisyal ng pamahalaan.
Sa idinaos na "Tapatan sa Aristocrat" kaninang umaga, sinabi ni Commissioner Luna na mayroon silang dalawang miyembro ng gabinete na sinisiyasat samantalang mayroon pang isang cabinet level official na ipinatawag na rin upang tumugon sa sumbong ng katiwalian sa PACC. Bagaman, tumanggi si Commissioner Luna na kilalanin ang tatlong matataas na opisyal ng pamahalaan.
PACC COMMISSIONER MANUELITO LUNA - Talamak pa rin ang katiwalian sa pamahalaan subalit may kaukulang pagkilos ang liderato ni Pangulong Rodrigo Duterte upang mapanagot ang mga tiwaling opisyal. (Melo M. Acuna)
Tiniyak din ni Commissioner Luna na 'di natitinag si Pangulong Duterte sa kampanya laban sa katiwalian. Sa paniniwala ng iba na nagre-recycle lamang ng mga tinanggal na opisyal ang pangulo, sinabi ni Commissioner Luna na mayroong pamantayang ginagawa ang ehekutibo upang matiyak na walang kinasangkutang anomalya ang mahihirang na opisyal ng pamahalaan.
Idinagdag naman ni G. Magpantay na nahihirapan silang makakuha ng mga dokumento sa iba't ibang tanggapan ng pamahalaan kaya't hihingi na rin sila ng tulong mula sa PACC. Kahit umano siya ay nakatatanggap na rin ng mga pagbabanta mula sa kanilang sinisiyasat.
Ipinaliwanag din ni Commissioner Luna na hindi sapat na ireklamo ng pormal ang mga may katiwalian, litisin at mahatulan ng pagkakabilanggo kungdi nararapat ding mabawi ng pamahalaan ang mga nakulimbat upang tunay na pakinabangan ng mga mamamayan nararapat makinabang sa salaping ninakaw.
Nakalulungkot, ani Commissioner Luna na tila isa nang institusyon ang katiwalian sa bansa. Kailangang masugpo ito sa pinakamadaling panahon.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |