PORMAL na nagreklamo ang Bureau of Customs laban sa mga importer sanhi umano ng pagpupuslit ng puting asukal at bigas papasok sa bansa.
Nagreklamo ang Bureau of Customs ng labag sa batas na pag-aangkat at malawakang agricultural smuggling laban sa mga opisyal ng Red Star Rising Corporation at Sta. Rosa Farms. Ayon sa Customs ang mga inireklamo ang may kinalaman sa pagpupuslit ng asukal at bigas na nagkakahalaga ng higit sa P 140 milyon.
Pinapanagot sa batas sina Dante Lunar, Leonardo Mallari, Richel Paraneta Llanes, August Presillas Templado at isang Bernie Abrina Rubia. Nagkakahalaga ang kanilang ipinuslit ng higit sa P 21 milyon.
Ang Red Star ang sinasabing nasa likod ng tatlong kargamento ng 16 na 20-footer container vans mula sa Thailand. Deklarado ang kargamento na packaging materials, kitchen utensils, craft paper na nabatid na puting asukal. Wala umanong import permit mula sa Sugar Regulatory Administration.
Kinasuhan din sina Jomerito Soliman, Dolores Opancia, Mary Grace Cayanan, Marilen Avanues at ang customs broker na nakilala sa pangalang Diosdado Santiago. Nag-angkat umano ang Sta. Rosa Farms ng 50,000 sako ng bigas na nagkakahalaga ng higit sa P 120 milyong piso ng walang pahintulot mula sa National Food Authority.