Ipinahayag ni Hua Chunying, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina na walang katwiran ang pagbatikos sa Tsina ni Pangalawang Pangulong Mike Pence ng Amerika sa kanyang talumpati nitong Huwebes ng gabi, Oktubre 4 (local time), sa Hudson Institute, think tank na nakabase sa Washington.
Sa kanyang talumpati, inakusahan ni Pence ang Tsina sa pagsasagawa ng di-umano'y "nakakapinsalang" impluwensiya at pakikialam sa pulitika at halalan ng Amerika. Pero, walang ibinigay na katibayan si Pence sa kanyang akusasyon. Binatikos din ni Pence ang mga patakarang panloob at panlabas ng Tsina.
Bilang tugon, ipinagdiinan ng tagapagsalitang Tsino na hindi nakialam, nakikialam at makikialam ang Tsina sa mga suliraning panloob ng ibang bansa na kinabibilangan ng Amerika. Inulit din ni Hua ang pananangan ng Tsina sa landas ng mapayapang pag-unlad.
Kaugnay ng isyu ng Taiwan, inulit ni Hua na iisa lang sa daigdig ang Tsina at ang Taiwan ay di-maihihiwalay na bahagi ng Tsina. Sinabi rin ng tagapagsalitang Tsino na ang pagtatayo ng Tsina ng mga kinakailangang pasilidad sa sariling teritoryo sa South China Sea ay walang kaugnayan sa di-umano'y militarisasyon. Hiniling din niya kay Pence na igalang ang ginagawang pagsisikap ng Tsina at mga bansang ASEAN para malutas ang alitang pandagat sa pamamagitan ng diyalogo.
Hinimok ni Hua si Pence na itigil ang walang batayang pagbatikos sa Tsina. Idinagdag pa niyang hindi nagbabago ang patakaran ng Tsina sa Amerika, at nakahanda ang Tsina na magsikap, kasama ng Amerika para sa walang-alitan, walang-komprontasyon at may mutuwal na paggagalangan at win-win result na kooperasyon.
Salin: Jade