Port Moresby — Sa kanyang pakikipagtagpo Sabado, Nobyembre 17, 2018, kay Pangulong Joko Widodo ng Indonesia, ipinagdiinan ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina na nakahanda ang panig Tsino na panatilihin ang pakikipagkoordinahan sa panig Indones sa mataas na antas upang mapasulong pa ang kanilang bilateral na relasyon sa estratehikong pananaw.
Ani Xi, pinahahalagahan ng panig Tsino ang inisyatibang "Comprehensive Regional Economic Corridors" na iniharap ni Pangulong Joko, at nakahanda itong pasimulan ang substansyal na kooperasyon ng dalawang panig sa lalong madaling panahon. Aniya, nakahanda ang Tsina na palawakin ang pag-aangkat ng mga produkto mula sa Indonesia. Bukod dito, dapat palakasin ng dalawang bansa ang pagpapalitan at pagtutulungan sa mga larangang gaya ng pananalapi, e-commerce, at kultura.
Ipinahayag naman ng Pangulong Indones ang pagbati sa matagumpay na pagdaraos ng China International Import Expo (CIIE). Pinasalamatan din niya ang ibinigay na tulong ng panig Tsino sa Indonesia sa disaster relief work pagkatapos ng lindol at tsunami. Umaasa ang Indonesia na ibayo pang mapapalakas ang kooperasyon ng dalawang bansa sa iba't-ibang larangan, aniya pa.
Salin: Li Feng