Nanning, punong lunsod ng Rehiyong Awtonomo ng Guangxi ng Tsina—Idinaos Martes ng gabi, Disyembre 4, 2018 ng Konsulado Heneral ng Thailand sa Nanning ang resepsyon bilang pagdiriwang sa pambansang araw ng Thailand.
Ipinahayag sa resepsyon ni Chairat Porntipwarawet, Consul General ng Thailand sa Nanning, na tulad ng Belt and Road Initiative na iniharap ng Tsina, itinakda ng kanyang bansa ang "Thailand 4.0" strategy at patakaran sa pagpapaunlad ng economic corridor sa silangang Thailand. Dapat aniyang lubos na gamitin ang ganitong mga pagkakataon, para ibayo pang mapasulong ang kooperasyon ng dalawang bansa.
Dagdag pa niya, ang China-ASEAN (Association of Southeast Asian Nations) Expo at serye ng mga aktibidad na idinaraos sa Guangxi taun-taon ay nakakatulong sa pagdaragdag ng mga pagkakataon ng kooperasyon sa kabuhaya't kalakalan, pamumuhunan, siyensiya't teknolohiya. Ang mga ito aniya ay nagsisilbing plataporma ng komprehensibong pagpapalitang pangkaibigan ng Tsina at ASEAN.
Sinabi naman ni Yang Jinbo, Pangalawang Tagapangulo ng Rehiyong Awtonomo ng Guangxi, na pinahahalagahan ng Guangxi ang mapagkaibigang kooperasyon sa Thailand. Nakahanda aniya ang Guangxi na sa pamamagitan ng mga plataporma at mekanismo na gaya ng China-ASEAN Expo, Lancang-Mekong Cooperation, at magkasanib na working group ng Guangxi at Thailand, mapapasulong ang kooperasyon ng kapuwa panig sa bagong antas.
Salin: Vera