Ipinahayag ng Tsina ang matinding pagtutol sa panukalang may kinalaman sa Tibet na pinagtibay ng Kongreso ng Estados Unidos.
Sa regular na preskon nitong Biyernes, Disyembre 14, inulit ni Lu Kang, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina na ang isyu ng Tibet ay suliraning panloob, at nanghimasok ang Kongresong Amerikano sa suliraning panloob ng Tsina.
Ayon sa nasabing panukala, kailangang maaaring pumasok sa Tibet ang mga diplomata, mamamahayag at turistang Amerikano, at kung hindi sila makakapasok sa Tibet, kailangang tanggihan ang pagpasok sa Amerika ng mga opisyal Tsino.
Dagdag pa ni Lu, sinumang dayuhang gustong pumunta sa Tibet ay maaaring dumaan sa mga normal na pamamaraan. Sa totoo lang, maraming dayuhan ang pumupunta sa Tibet para sa pagdalaw, paglalakbay at negosyo kada taon. Halimbawa, simula noong 2015, aabot sa 40,000 Amerikano na kinabibilangan ng mga mambabatas ng Kongreso ang pumunta sa Tibet.
Salin: Jade
Pulido: Mac