|
||||||||
|
||
Binigyan-diin ni Sta. Romana, na mahalaga para sa Pilipinas, ang Tsinang may matatag na ekonomiya dahil dito nakasalalay ang lalo pang pagsulong ng ugnayang pang-ekonomiya ng Pilipinas at Tsina.
Dahil sa pagbabago ng kapaligirang pang-ekonomiya ng daigdig, ipinahayag ng premyer Tsino sa kanyang ulat sa bayan na, kailangang maghanda para sa isang mahirap na pakikibaka upang makamtan ang patuloy na pag-unlad ng ekonomiya ng Tsina.
Ani Sta. Romana, malalim ang impresyong iniwan ng mga pananalitang ito ni Premyer Li sa kanya.
Sa kabilang dako, bagamat malaki aniya ang hamong kinakaharap ng Tsina sa larangan ng ekonomiya, idinitalye naman ni Premyer Li sa nasabing GWR ang roadmap upang mapagtagumpayan ang mga ito.
Kabilang sa mga binanggit na solusyon ni Premyer Li ang pagpapaliit ng buwis o tax cut, pagbibigay-tulong sa pribadong sektor, pag-implementa ng mga reporma sa merkado at marami pang iba, dagdag ng embahador Pilipino.
Ani Sta. Romana, nitong nakalipas na taon, nagpokus ang Tsina sa pagbibigay ng mitigasyon sa mga balakid pang-ekonomiya, paglutas ng mga problema sa domestikong utang, pagpuksa sa kahirapan, at paglunas sa polusyong pangkapaligiran, upang makamtan ang 6.6% paglaki ng ekonomiya.
Dahil dito, nagpatuloy ang Tsina sa pagbibigay ng malaking merkado para sa mga produktong iniluluwas ng Pilipinas, anang embahador.
Dagdag pa niya, dahil sa patuloy na pag-unlad na ito, ipinagpatuloy din ng Tsina ang pag-enkorahe sa mga mamumuhunang Tsino na maglagak ng puhunan sa Pilipinas.
"Kaya, ngayon, sa approved investments, halos nangunguna na ang Tsina, kumpara sa ibang bansa," sabi ni Sta. Romana.
Pagdating naman sa turismo, sinabi ng embahador na dahil sa matatag na ekonomiya ng Tsina patuloy ring dumami ang mga turistang Tsinong nagpupunta sa Pilipinas, at ang Tsina ang siya na ngayong ikalawang pinakamalaking pinggagalingan ng turista ng Pilipinas.
Bukod dito, sinabi ni Sta. Romana, na nag-uusap din ang mga pamahalaan ng Pilipinas at Tsina upang lalo pang pahusayin ang mga kooperasyon sa paglaban sa terorismo; paglaban sa iligal na droga; paghanap ng kalutasan sa isyu ng South China Sea, sa pamamagitan ng Mekanismo ng Bilateral na Konsultasyon; pagdaraos ng pag-uusap kasama ang iba pang mga bansa ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN), upang marating ang Code of Conduct in the South China Sea; at marami pang iba.
"Lahat ito ay nakatulong sa pag-abante pa ng relasyon ng dalawang bansa, at sa pagpapahusay ng sitwasyon sa South China Sea," diin ni Sta. Romana.
Sinabi pa ng embahador na ang pagdaraos ng kauna-unahang China International Import Expo (CIIE) sa Shanghai noong Nobyembre 2018 ay isang napakahalagang kaganapan at malaking pagkakaton para sa lalo pang pagsulong ng ugnayang pang-ekonomiya ng Pilipinas at Tsina.
Marami aniyang mga kasunduan ang nalagdaan sa nasabing kaganapan, kaya naman dumami ang mga produktong iniluluwas ng Pilipinas sa Tsina, tulad ng saging, pinya, mangga at marami pang iba.
Umaasa aniya siyang lalo pang lalakas ang pag-aangkat ng Tsina sa mga produkto ng Pilipinas, dahil sa mga hakbang na isinusulong at isusulong ng pamahalaang Tsino.
Pagdating naman sa bagong China Foreign Investment Law, sinabi ng embahador na ito ay magandang hakbang upang bigyan ng akses ang mga dayuhang puhunan, kabilang na ang mga Pilipinong mamumuhunan sa paglalagak ng negosyo sa Tsina.
Ito rin aniya ay makakatulong sa paglutas sa hidwaang pangkalakalan ng Tsina't Amerika at iba pang bansa sa Europa, at ito rin ay mahalagang pang-istabilisa ng rehiyonal at pandaigdigang ekonomiya.
Kaya, binigyang-diin ng embahador na ang matatag na Tsina ay mahalaga sa pag-unlad ng Pilipinas.
Ulat: Rhio
Photographer: Lito
Web Editor: Lito
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |