Kinatagpo nitong Huwebes, Marso 28 ni Pangulong Rodrigo Duterte ng Pilipinas si Song Tao, Puno ng Departamento ng Ugnayang Panlabas ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Tsina (CPC).
Sinabi ni Duterte na bilang mabuting magkapartner, umani ng kahanga-hangang bunga ang kooperasyon ng Tsina at Pilipinas sa iba't ibang larangan. Ikinagagalak ni Duterte ito. Aniya pa, nakahanda ang Pilipinas na palakasin ang pagpapalitan sa pagitan ng CPC at naghaharing partido PDP-Laban at pasulungin ang kapayapaan at kasaganaan ng rehiyon. Si Pangulong Duterte ay nagsisilbi ring tagapangulo ng PDP-Laban.
Ipinahayag naman ni Song ang kahandaan ng CPC na tupdin ang mga napagkasunduan ng mga lider ng dalawang bansa para mapahigpit ang kooperasyon sa ilalim ng Belt and Road Initiative (BRI), mapasulong ang bilateral na relasyon at pangalagaan ang kapayapaan at kasaganaan ng rehiyon.
Kinatagpo rin si Song ni Vicente Sotto III, presidente ng Senado, sa kanyang tatlong araw na pagdalaw sa Pilipinas.
Salin: Jade
Pulido: Mac
Photo credit: PCOO