Bilang tugon sa isinampang kaso noong Disyembre, 2016 ng Amerika sa tariff rate quota control (TQR) sa pag-aangkat ng wheat, bigas, at mais mula sa Tsina, isinapubliko nitong Huwebes, Abril 18, 2019 ng World Trade Organization (WTO) ang hatol kung saan nakasaad na may di-maliwanag na kagawian ng Tsina sa nasabing usapin, at nilabag nito ang pangako sa pagsapi sa WTO. Bukod dito, pinabulaanan ng WTO ang kahilingan ng panig Amerikano na may obligasyon ang panig Tsino sa pagsasapubliko ng quota allocation at redistribution.
Kaugnay ng mga alitang pangkalakalan sa iba pang kasapi ng WTO, palagiang naninindigan ang Tsina sa maayos na paglutas ng mga ito sa pamamagitan ng mekanismo sa ilalim ng WTO. Ang nasabing hatol sa alitan ng mga produktong agrikultural ng Tsina at Amerika ay nagpapakita ng mahalagang papel nito sa aspekto ng pangangalaga sa regulasyon ng multilateral na kalakalan sa halip na pagwawagi ng isang panig sa kasong ito.
Ang sistema ng multilateral na kalakalan, kung saan, ang WTO ang nukleo ay nakakapagpatingkad ng napakahalagang papel sa pagpapasulong ng pag-unlad ng kalakalang pandaigdig at pagtatatag ng bukas na kabuhayang pandaigdig. Kabilang dito, ang mekanismo ng WTO sa paglutas sa hidwaan ay itinuturing bilang "hukuman" na namamahala sa paghatol sa mga alitang pangkalakalan. Layon nitong mapangalagaan ang pagkabalanse ng karapatan at obligasyon ng mga miyembro at maigarantiya ang mabisang pagsasakatuparan ng mga prinsipyo at regulasyon ng WTO.
Salin: Li Feng