Ang kauna-unahang pambansang ulat kaugnay ng aksyon at kaugalian ng mga mamamayang Tsino na may kinalaman sa kapaligirang ekolohikal ay inilabas noong katapusan ng nagdaang Mayo ng Sentro ng Pananaliksik sa Kapaligiran at Patakarang Pangkabuhayan ng Ministri ng Ekolohiya at Kapaligiran ng Tsina. Ayon sa survey sa 13,086 respondent mula sa 31 lalawigan at munisipalidad sa Chinese mainland, nagbago na ang mga kilos ng mga mamamayang Tsino hinggil sa pangangalaga sa kapaligiran at nakagagawian na ngayon ng mga Tsino ang lutiang paraan ng pamumuhay.
Batay sa survey, ipinalalagay ng mga respondent sa kabuuan, na may mahalagang katuturan ang kanilang sariling ginagawa sa pangangalaga sa kapaligiran. Buong sikap nilang tinutupad ang tungkulin sa limang larangang kinabibilangan ng proteksyon sa kalikasan, pagtitipid sa enerhiya at likas na yaman, pagbabawas ng polusyon, paglalakbay sa luntiang paraan, at pagbibigay-pansin sa kapaligirang ekolohikal. Kabilang dito, halos 90% ng mga respondent ay hindi bumibli, gumagamit o kumakain ng mga bihira at mamahaling mailap na hayop at halaman o mga produktong yari sa mga ito. Halos 90% ng mga respondent ay lagi o madalas na nagpapatay ng mga ilaw, at agaran ding nagpapatay ng mga kagamitang elektroniko. Halos 70% ng mga respondent ay madalang na nagpapaputok ng mga rebentador. Mahigit 60% ng mga respondent ay lagi o madalas na lumalakad, nagbibisikleta o sumasakay ng public transport. Mahigit 60% ng mga respondent ay lagi o madalas na nagpapahalaga sa mga impormasyong may kinalaman sa kapaligirang ekolohikal.
Salin: Jade
Pulido: Rhio