Pinasinayaan nitong Lunes, Hunyo 3, sa Yangon, Myanmar ang Linggo ng Turismo at Kultura ng Tsina. Layon nitong pasulungin ang pagpapalitan at pagtutulungang panturismo at pangkultura ng dalawang bansa. Kabilang sa mga aktibidad ng nasabing linggo ay eksibisyon ng mga larawang panturismo ng Tsina't Myanmar, palabas ng mga alagad ng sining, at seminar at promosyon na nagtatampok sa turismo at kultura ng dalawang bansa.
Lumahok sa seremonya ng pagbubukas ang sandaang kinatawan mula sa Ministri ng mga Suliraning Panrelihiyon at Kultura ng Myanmar, Ministri ng mga Hotel at Turismo ng Myanmar, Pasuguan ng Tsina sa Myanmar, mga ahensya ng paglalakbay, at organong pangkultura ng dalawang bansa.
Sa kanyang talumpati sa pasinaya, sinabi ni Li Xiaoyan, Charge d'affaire ng Pasuguan ng Tsina sa Myanmar, na ang turismo at kultura ay mahahalagang sektor na pangkooperasyon ng dalawang bansa sa proseso ng magkasamang pagpapasulong ng Belt and Road Initiative (BRI). Umaasa aniya siyang masasamantala ng magkabilang panig ang linggong ito para ibayo pang mapasulong ang pagpapalitan at pagtutulungang panturismo at pangkultura.
Ipinakilala naman ni Naing Win, Direktor ng Departamento ng mga Hotel at Turismo para sa Rehiyon ng Yangon, ang pagsisikap ng bansa para maakit ang mas maraming turistang dayuhan. Ipinahayag din niya ang pag-asang mas maraming turistang Tsino ang makapaglakbay sa Myanmar.
Salin: Jade
Pulido: Rhio