Sa kanyang talumpati sa sesyong plenaryo ng Ika-23 St. Petersburg International Economic Forum na idinaos kahapon, Biyernes, ika-7 ng Hunyo 2019, sa St. Petersburg, Rusya, ipinahayag ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina, na ang sustenableng pag-unlad ay "gintong susi" sa paglutas ng kasalukuyang mga pandaigdigang problema. Iniharap din niya ang tatlong mungkahing kinabibilangan ng pagpapasulong ng bukas at multilateral na kabuhayang pandaigdig, pagtatatag ng inklusibong lipunang nagdudulot ng pakinabang sa lahat, at paglikha ng tahanang may maharmonyang pakikipamuhayan ng sangkatauhan at kalikasan. Ang mga ito ay itinuturing na mungkahi ng Tsina para magbukas ng bagong landas ng sustenableng pag-unlad sa buong mundo.
Ang sustenableng pag-unlad ay pangunahing paksa ng kasalukuyang St. Petersburg International Economic Forum. Sapul nang itakda noong 2015 ng United Nations ang 2030 Agenda for Sustainable Development, natamo ng ahendang ito ang positibong progreso, pero kinakaharap din nito ang mga mahigpit na hamon.
Ang nabanggit na mga mungkahing iniharap ni Xi ay sumasaklaw sa tatlong pangunahing aspekto ng sustenableng pag-unlad, na paglaki ng kabuhayan, pag-unlad ng lipunan, at pangangalaga sa kapaligiran. Komprehensibo ang mga mungkahi, at nakatuon ang mga ito sa mga umiiral na hamon sa sustenableng pag-unlad. Ito ay makakatulong sa pagpapalakas ng kompiyansa ng komunidad ng daigdig sa pagsasakatuparan ng sustenableng pag-unlad sa Tsina at buong mundo.
Bilang isang malaking bansang may halos 1.4 bilyong populasyon, isinasagawa na ng Tsina ang mga hakbangin para sa pagpapasulong ng sustenableng pag-unlad sa sariling kabuhayan, lipunan, at kapaligiran, at mahalaga ito para sa ahenda ng sustenableng pag-unlad ng UN. Samantala, itinataguyod din ng Tsina ang pandaigdig na kooperasyon sa sustenableng pag-unlad. Sa pamamagitan ng mga aktuwal na aksyong ito, nagbibigay ang Tsina ng sariling ambag para sa sustenableng pag-unlad sa buong mundo.
Salin: Liu Kai