Inilabas ngayong araw, Lunes, ika-3 ng Hunyo 2019, ng Ministri ng Edukasyon ng Tsina sa mga estudyanteng Tsinong naka-iskedyul mag-aral sa Amerika ang babala kaugnay ng pag-aplay ng bisa. Ayon sa ministring ito, sa kasalukuyan, kinakaharap ng mga estudyanteng Tsino ang ilang problema sa pag-aplay ng bisa ng Amerika, na gaya ng mas mahabang panahon ng pag-aplay, mas maiksing tagal ng balidad, mas malaking posibilidad ng pagtanggi sa bisa, at iba pa. Ang mga ito ay makakaapekto sa mga estudyanteng Tsino sa kanilang pagpunta sa Amerika o pagpapatuloy ng pag-aaral doon, anang ministri. Ipinaalaala pa ng naturang ministri sa mga estudyanteng Tsino na alamin ang kalagayang ito, at gawin ang paunang paghahanda.
Ang naturang babala ay ginawa sa background ng pagsasagawa ng Amerika sapul noong 2018 ng restriksyon sa pag-aplay ng bisa ng mga estudyanteng Tsinong naka-iskedyul mag-aral sa Amerika sa pangangatwiran ng paglaban sa ispiya. Samantala, inilakip ng Senado ng Amerika sa panukalang National Defense Authorization Act ang nilalaman hinggil sa pagpapahigpit ng pagsusuri sa pag-aplay ng bisa ng mga estudyante at mananaliksik na Tsino. Iniharap naman ng ilang senador na Amerikano ang mungkahi hinggil sa pagbabawal sa pagbibigay ng bisa sa mga tauhang nagtatrabaho o tinatangkilik ng mga instituto ng pananaliksik na militar ng Tsina, para mabawasan ang di-umanong "panganib sa pambansang seguridad."
Dahil sa epekto ng mga may kinalamang hakbangin ng panig Amerikano, ayon sa estadistika ng China Scholarship Council, noong 2018, sa 10313 tauhang Tsinong tinangkilik ng panig opisyal para mag-aral sa Amerika, 331 ang hindi nakapunta roon dahil sa problema sa pagkuha ng bisa, at 3.2% ang proporsiyon nito sa kabuuang bilang ng mga tauhan. Noong unang kuwarter ng taong ito, lumaki naman sa 13.5% ang proporsiyong ito. Sa lahat ng 1353 tauhang naka-iskedyul mag-aral sa Amerika, 182 ang hindi nakapunta.
Sa kasalukuyang pagsisidhi ng alitang pangkalakalan ng Tsina at Amerika, itinuturing ng panig Amerikano ang normal na pagpapalitang pang-edukasyon ng dalawang bansa bilang isyung pulitikal. Ito ay hindi lamang nakakapinsala sa lehitimong kapakanan ng mga estudyanteng Tsino, kundi nagdudulot din ng malaking epekto sa kooperasyong ito ng dalawang bansa.
Tulad ng kooperasyon sa ibang mga aspekto, kinakailangan din ang katapatan at paggagalangan sa kooperasyong pang-edukasyon. Hindi dapat maging pulitikal o mapatid ang usaping ito.
Salin: Liu Kai